Daily Archives: November 7, 2012

HUBAD NA BAHAY

Kayganda ng kulay,

Hubad na bahay,

Salat sa pintura,

Walang postura,

Ang meron ay pigura…

Kung titingnan ay mahiwaga,

Anong meron sa tahanan,

Upang hungkag na anyo ay magkakalaman?

Isa ang aking nasa isipan,

“wagas na pagmamahalan”

Kwentuhan…

Sa minsang napasabak sa kwentuhan,

Anuba’t ang napagtripan,

Palitan ng malayang kaisipan,

Maligayang halakhakan,

Ngunit, minsan, masakit sa bumbunan…

Meron daw kasabihan,

Pag binato ka ng bato,

Batuhin mo ng tinapay…

Ang sagot ng pilosopo,

Paano kung tinapay ay may bato?

Ang sabi pa ng magandang dalaga,

Kung may tiyaga,

May nilaga…

Pag-isipan daw, ang balik tugon,

Eh paano kung nilaga ay natapon?

Heto pa ang banat ng kausap ko,

Huli man at magaling,

Maihahabol din,

Ang sagot ni Neneng,

Eh paano kung mas matulin ang tusong matsing?

Nasanay na nga sa kwentuhang makulay,

Ngunit pag naiinis,  nawawalan ng buhay,

Pabalang na kung magbigay ng pananaw,

Hindi na nga maunawaan ang mga hataw,

Nguso ay mas mahaba pa sa natatanaw…

Eh paano kung ang kakwentuhan ay lumisan?

At paano kung ikaw ay kanyang ayawan?

Siguradong tititig na lamang sa kawalan,

At iisiping, kung ang huntahan ay may tawanan,

Siya sana ay mananatiling nariyan… 🙂