SI MARIA

(Kahit ang tao ay sintigas ng bakal o asero, kung ito ay natamaan ni Kupido, natutunaw din na parang yelo – tulad ni Maria, tulad ko rin at tulad ng marami sa atin….)

Matagal-tagal ko na ring di nakikita si Maria. Akala ko nga siya ay nangibang bansa na. Pero hayun at aking namataan, nasa isang kainan, nagkakape na naman.

Siya aking nilapitan, kinumusta.  Napansin kong maga ang kanyang mga mata, sigla at tuwa na aking nakita nitong mga nakaraang buwan ay tila naglaho na.

“Hello, Maria”, aking nakangiting bati.

Itinaas niya ang kanyang mukha, nakangiti ngunit nakangiwi.

“Hi din kaibigan”, tugong bati niya, “Halika, upo ka. Samahan mo akong magkape. Masarap ang Kapeng Batangas sa isang malamig at makulimlim na hapon.”

Siya ay aking pinaunlakan. Siya ay aking tinabihan.

“Kumusta ka na Maria?”, aking nananantiyang  katanungan.

“Mabuti” sambit niyang pilit ang ngiti, “Nagpapahangin lamang.”

Ako ay di sanay. Si Mariang punong-puno ng buhay, maingay at maligalig, narito at aking kausap, walang ningning at panay ang buntong-hininga.

Hinayaan ko lamang siya sa kanyang katahimikan. Nais na magbukas ng kalooban sa kanyang panahong matipuhan.

Maya-maya pa, nagulat ako sa biglang bulalas niya, “Bullshit! Naku sorry naman ha? Di ako nagmumura pero talagang ang sama sama ng loob ko eh…”

Tiningnan ko siya, namumula ang kanyang mukha, nanlalamlam ang mga mata, mukhang babagsak ang kanyang mga luha.

Hinayaang muli. Alam kong anuman ang aking sabihin ay di makakatulong. Pinili ang tahimik na pagmamasid at pakikinig.

“Nakakahiya nang ako ay nagpapahayag ng aking paninibugho. Isinisigaw ko sa buong mundo. Hindi ako ito. Nais kong ikulong muna ang sarili ko… kung hanggang kailan, di ko alam” bigkas ni Mariang tila hinahampas.

Palagay ko siya ay labis na nasasaktan. Hindi ko alam ang dahilan ngunit sa salitang “paninibugho” aking nahuhulaan na usaping puso ito.

“Pinipilit kong maging masaya ngunit hindi eh. Hindi talaga. Apektado ako. Parang ang pakiramdam ko talaga, napaglaruan ako ng tadhana. Bakit Lord?”

Nauunawaan ko siya. Hindi man ako sang-ayon na tinatanong niya ang Panginoon, hindi ako nagsalita. Iyon ay kanyang damdamin, pinakakawalan sa gitna ng kapighatiang dinaranas.

Patuloy ang kanyang pagsasalita. Ako ay nanatiling nasa kanyang tabi.

Dagdag ni Maria, “Hindi ko masabing nagkamali ako dahil ang pakiramdam ay tama. Hindi ko masabing ako ay gahaman dahil ang lahat ay dumating ng magaan. Ang hindi ko lang maintindihan, bakit ako ay kailangang maiwang luhaan?”

Nais kong itanong kung bakit? Anong nangyari? Ngunit tingin ko, si Maria ay nangangailangan ng isang bangang mapagsasalinan ng kanyang nagpupuyos na damdamin. Sa araw na iyon, ako ang naging banga. Sinubukan kong sambutin ang lahat ng kanyang hinaing. Ako ay naawa sa kanya, tila ang hawak niya sa sarili ay napakaluwag na.

“Automatic na kasi. Sa bawat araw, siya ay naging mahalagang bahagi. Ngunit bakit ganun? Hindi niya sinabi. Ako pala ay may kahati. Hindi lang iyon, sa aming dalawa ako pala ang nahuli. Nagparaya ngunit nagdadalamhati. Nasasaktan na siya ay masaya at ako ay nagdurusa. Makasarili ba ang ganitong pakiramdam?”, siyang tanong niya sa akin.

Hindi ako agad nakapagsalita. Pilit hinahagilap ang tamang mga kataga.

“Hindi Maria. Ikaw lamang ay nasasaktan sa mga pangyayari. Hindi ka makasarili, bagkus ikaw pa nga ay nagbigay daan sa kaligayahan ng taong iyong mahal.”

Kilala ko si Maria. Matagal nang  panahon na siya ay walang kasintahan. Masipag na nilalang. Buhos ang panahon sa pamilya at kabuhayan. Nitong mga nakaraang buwan, siya ay aking nakita, sobrang saya, namimilog ang mga makikinang na mga mata, ngiti ay hindi maalis sa mukhang maganda. Halatang nadidilig ng pagmamahal, paawit-awit, lahat ay binabati.

Ngunit tila sa isang iglap, bakit parang nag-iba. Si Maria ngayon ay kinakikitaan ko ng pait. Ako ay humingi ng tubig, binigyan ang nilalang na sa sakit ay tila namimilipit.

“Ano ba ang kasalanan ko sa langit at bakit ako ay pinaglaruan ng tadhana ng ganito? Ang kahinaan ko ay umibig, bakit ako pa ay ipinatagpo sa isang nilalang na di naman magiging akin kahit kailan?”, sabay tingin sa akin na para bang alam ko ang kasagutan.

“Di ba kaibigan, last time, nakiusap na ako sa Itaas? Last time, nung humiwalay ako sa akala ko ay itinadhana para sa akin.  Ang tagal na desisyon upang humiwalay, sinubukang mabuti na mag work out pero wala talaga eh. Di peding isa  lamang, ako ata ay maagang mamamatay sa hirap na dinanas. Hirap na hirap na kasi ang isipan at katawan ko nang mga panahong iyon. Ako ay nagpasya, gusto ko pang mabuhay.”, hinawakan ko ang kanyang mga kamay, nais kong iparating na “Kaya mo yan…”

“Tapos, humiling ako sa Kanya di ba? Ayoko nang magmahal? Nawa’y di na malagay sa isang sitwasyon na malalagay sa alanganin. Kasi, nasisira ang lahat kapag ako ay inlove. Sira ang diskarte sa work, sa life sa lahat. Alam mo naman  di ba, grabe ako magmahal, tapos alam mo rin na ako ay malalim masaktan…” Ako ay tango ng tango, alam ko yun eh. Saksi ako sa kanyang nakaraan.

“Nakatagpo nga ako ng kapareho ko ng takbo ng isipan, ay correction, natagpuan nya ako. Kumbakit kami humantong sa ganito, di ko na maalala, mabilis. Akala ko ay ok na, sobrang saya ko na di ko mawari. Pero nalungkot ng husto, ang laki ng hadlang.  Alam kong nasaktan din sya pero sigh… sigh…sigh….sigh…. … napaka unfair naman. Sana di na lang kami pinagtagpo… Sana hindi na lang kasi nagagalit na naman ako sa sarili ko na nagpakatihulog sa isang balong napakalalim na hindi ko na naman maiahon ang aking sarili.” pagpapakawala niya.

“Minahal ko sya ng tunay, in fairness. Ako man alam kong minahal nya rin pero talagang di pwede eh. Masakit ito pero, sana tama ang mga pasya. Pero hindi ko itatangging mahal ko pa rin sya, ewan ko kung bakit. Basta mahal ko sya. Handa nga ako kahit ano pa ang kahihinatnan ng kabaliwan ko. Tsk tsk tsk, nasisiraan na ata ako. “

“Ilang taon ko na namang iindahin ito? Nakaraos na ako sa dati eh. Ngayon di na naman ako makatulog ng mahimbing. Di ko na naman maappreciate ang mga bulaklak, ang hangin, ang fog, ang sunrise at sunset. “

Sa isang taong nasasaktan, alam ko, ang tanging kapayapaan ay ang maihayag ng malaya ang kanyang damdamin. Iyan ang tingin ko ay kailangan ni Maria sa pagkakataong ito. Ramdam ko sya. Pinanindigan ko na ang huwag magsalita.

“Salamat ha? Alam mo naman  na sa dami ng nakapaligid sa akin, wala naman akong makausap na pedi kong ilabas ang lahat ng saloobin ko. May mga nariyan lamang sa tabi-tabi pero natatakot na ako. Ayoko na. Ang vulnerability ko ay 100% ata. Ayokong may makinig at manamantala na naman ng kahinaan ko. Natatakot na akong magmahal muli. Ayoko na, kung di naman ako ay mamahalin at ipaglalaban din ako at ako ay kakalingain, huwag na lamang.”

Dito na ako nagsalita, dahil ang naririnig ko ay isa nang pagsuko.

“Maria, ang lahat ay may dahilan. Maaring nasasaktan ka ngayon. Malabo ang iyong balintataw sa nais ipahiwatig ng Panginoon sapagkat may luhang dumadaloy pa sa iyong mga mata.  Umiyak, maghinanakit, maglabas ng galit. Ngunit matapos ang pagkulong sa sarili sa mga damdaming humahagupit, hayaang sarili ay gumising sa isang umaga na may dalang pag-asa. Napakahirap man ngunit ito ay kailangan. Sayang ang bawat tiktak, oras ay lumilipas. Ikaw ay may magandang kinabukasan, lalo na sa taglay na kakayahan. Pasasaan ba’t ang pag-ibig na kay-ilap sa kasalukuyan ay iyo ring masusumpungan.“ Niyakap ko siya at siya ay humagulgol. Ilang minutong pagbaha ng luha. Mabuti na lamang at kami ay di pansin, nasa bandang looban ng kainan, walang tao. Umayon ang panahon at pagkakataon.

Hindi namin nagalaw ang kapeng Batangas. Nawala na ang init.  Nagmagandang loob na akong magbayad ng kape at ako ay nagyaya nang umuwi. Inihatid ko si Maria sa kanila, kami ay naglakad, siya ay tila batang nakapangunyapit sa akin. Alam ko kaya nya ito. Kilala ko nga siya, may tatag at may determinasyon. Naniniwala akong pansamantala lamang ito.

Sinalubong kami ng kanyang ina. Hindi ito nagtanong. Ako ay naghabiling lutuan na lamang ng lugaw sa hapunan at hayaan munang mapag-isa. Kailangan nya ng pang-unawa, lalo na mula sa mga taong nagmamahal sa kanya.

Sa aking paglayo, aking naisip, ang hiwaga ng pag-ibig ay talagang di mawarian.

Kahit ang tao ay sintigas ng bakal o asero, kung ito ay natamaan ni Kupido, natutunaw din na parang yelo – tulad ni Maria, tulad ko rin at tulad ng marami sa atin….

 

Advertisements

About chilledhoney

"INVICTUS" panulat na matalinhaga, panulat na tumatama… ang kaisipan at kahulugan ay napag-iisa…. mga kaisipang minsan ay matindi at maanghang pagkawika, ngunit minsan nama’y payak, humahaplos sa kamalayan, puso at isipan…. at sa aking maikling panahong paikot ikot dito sa harding aking tambayan… oras ay di ko namamalayan… sa mga puna at palagay, ako ay nasisiyahan…. napakasarap pakawalan ang malayang kaisipan….

Posted on July 24, 2012, in DICTATES OF THE HEART, FREE FLOW, KARANASAN. Bookmark the permalink. Leave a comment.

just speak your mind

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: