TAMA BA?

Sa tuwing minamasdan ko ang tahimik na pagluha ng aking panganay tuwing ka-chat nya ang kanyang tatay… iniisip ko… “Masama ba akong ina?” Ipinagkakait ko ba ang isa pang magulang na mahalaga para sa kanya?

Parang hinihiwa ang aking puso sa kanyang larawan… mahal nya ang kanyang ama ngunit sa FB lang nakikita…may sariling buhay na hindi kami kasama…

Minsan kanyang naitanong… “Bakit wala tayong picture sa profile ni Papa?”, “Bakit lagi na lang siyang walang money pag humihingi kami ng pangtuition?” “Bakit…” “Bakit…” “Bakit..”…. mga katanungang tumatatak sa aking isipan…

Mahal nya ang kanyang tatay kaya hinding hindi ko maaring sabihin sa kanya ang ugat ng aming paghihiwalay…alam kong sa mura nyang gulang, dahilan ay mahihirapan siyang maunawaan…

Tama bang hayaan ko munang maging handa ang kanyang puso at isipan sa masakit na katotohanan?

BAKIT NGA BA MAS PINILI KONG LUMAYO?

Ang lalaking minsan ko itinuring na kabiyak ay hindi man lamang nagpapakita ng pagpapahalaga sa akin at  kanyang mga anak…

Hindi ko maintindihan ang pagbabago sa turing, pagbabago sa nakagawiang lambingan at suyuan…naging mas malamig pa sa yelo ang aming turingan, ang init ng ulo ay di nya napipigilan…

Ang pasko at bagong taon, ang kaarawan at iba pang okasyon…mga mahahalagang sandali sa murang buhay ng mga bata… imbitasyong makarating, kanya’y di binibigyang kahalagahan…

Pangmatrikula, pagkain, damit, tirahan… hindi pinagtatabihan, kahit kaunting halaga lamang…mabuti pa ang barkada, sagana sa alak at pulutan…

Ako ay nagtataka bakit may lalaking ganyan?

Di ba ang iba, sa panahong magkaroon ng pamilya, kasabay ang pakikiisa sa maybahay sa anumang pangangailangan?

Di ba ang sumpaan ay magkasama sa hirap at ginhawa, sa kagalingan at kalusugan, hanggang sa paghiwalayin tayo ng kamatayan?

Di ko maintindihan na sa aking pagsusumikap makaraos, galit pa pag walang inabutang ulam sa hapag kainan…

Sa isip ko, hindi kaya ako ang may pagkukulang? Hindi ko ba nagampanan ng maayos ang aking pagiging ina ng tahanan? Mga taga-payong aking pinaghingahan… ang tanging tugon ay “Hindi ikaw ang nagkulang…gumising ka sa iyong katangahan…”

Hindi ko lubos maisip na sa dami ng aking ginawang patunay, ako pa rin sa kanya ay masamang maybahay….

Halos hindi ko na maasikaso ang aking sarili sa pagkalinga sa kanya…sa dalawa naming supling…pero mukhang di naging sapat…madalas sari saring kasalanan, kanyang hinahanap…

Sa kawalan ng responsibilidad sa pamilyang tinatawag…nakuha pa niyang magtampisaw sa ibang kandungan…mundo ko ay biglang nagunaw… “Bakit?”, yun lamang ang naging katanungan…

Noong una ako ay nagbulag bulagan, iniisip kong ang lahat ng lalaki ay dumaraan sa ganyan… ako ay nagpatawad, nagbigay daan sa bagong kasunduan…

Ngunit, datapwat subalit…kahit ako o ang mga bata ay magkasakit… wala na siyang anumang bakas ng pag-aalala, pagmamalasakit… naisip ko ito na ang hangganan… aalis na kami ng tuluyan…

Noong una ang dibdib ay parang sasabog sa sakit na nararamdaman…di nakayanan dagok sa buhay ng pamilyang pilit iningatan….sa ibang bahay kami ay nakipanirahan… kayod dito kayod doon ang aking pinagkaabalahan…

Nakakapagod, sa katawan at isipan… dumating din naman ako sa puntong buhay ay gustong wakasan…ngunit sa minsang tangkain ito, biglang kumislap sa isipan…mga anghel kong buhay ay sa akin nakasalalay…

Kung gaano kalalim ang pagmamahal, naging ganoon din kalalim ang suklam…nakakasira na ito sa aking katinuan… ipinagpasyang lumayo na lamang upang ang buhay ko ay magkaroon pa ng pakinabang….

Sa lahat ng ito, aking binabalikan… pagdating ng panahon, mga dahilan ko ba ay mauunawaan?Alam kong di ako maiintindihan ng karamihan pero hindi paghusga nila ang aking kailangan… mas natatakot akong mga supling ay magkaroon ng malalim na katanungan…

Napakahirap ibahagi sa kanila ang masakit na kaganapang naging dahilan ng hiwalayan… dahil alam kong mahal nila ang amang pinagmulan…ngunit ako ba ay masisisi kung ang tanging hangad lamang ay katahimikan ng puso at isipan?

Matagal tagal na ring panahong pananahimik…ang akin na lamang dasal, mga supling ay makaunawa….hangad ko ang katahimikan ng tahanan para sa kanila, hangad ko lang sila ay maging maligaya…

Minsan, sa pagmamasid sa paligid, pamilyang buo aking nakikita… sa isip ko, mabuti pa sila…nais ko rin sanang humalakhak tulad nila…

…pag naiisip ko ang kalbaryong aking dinaanan…parang ayaw ko nang muli pang masaktan…

…pag naiisip ang ligayang hatid ng tahanang puno ng pagmamahalan, ang aking tanong… may pagkakataon pa ba akong ganyan?

Ako ba ay nagiging makasarili? Ang akin lang bang damdamin aking isinasaalang alang? Palagay ko’y hindi… nagkataon lamang na pinahinog ako ng karanasan… sa kasalukuyan, nais ko lamang itong malampasan… at sa huli…harinawa’y magkaroon din ng tunay na kaligayahan…

Nakakatakot na sa pagsapit ng dapit hapon ng aking buhay….ako ay mag-iisa… sapagkat alam kong sa kanilang paglaki at pagkakaroon ng hinog na kamalayan, mga anak ko, ako din ay iiwan….:(

Aking taimtim na dasal, pagdating ng tamang panahon, itong panulat ay makatulong sa pagbigay katugunan sa mga katanungang hindi ko alam kung paano bigyang kasagutan…

Sana, hindi ako naging masamang ina…

Posted on May 19, 2012, in KARANASAN, SINGLE MOM DIARY. Bookmark the permalink. 12 Comments.

  1. Mahal ko kayo mga anak…higit sa buhay ko…
    titiisin ang lahat, mapabuti lang kayo…
    pagdating ng panahon at mabasa ninyo ito…
    sana’y yakap ng pang unawa at pagmamahal ang matanggap ko…🙂

  2. Anu’t-ano pa man, tanging ang ating Ama ang makakasagot sa iyong mga katanungan. Manalangin ng taimtim, ito ang kasagutan. Hindi ako ang taong nasa tamang posisyon para magbigay payo pagkat hindi ko rin masasabi na ako’y isang perpektong lalaki sa mundo. Ngunit lubhang malaki ang maitutulong ng pananalig sa ating Amang Lumikha. Nawa’y maimulat mo rin ang iyong mga supling sa mundo kung saan lubos ang kanilang pagtitiwala at pananampalataya sa ating Amang Lumikha. Hangad ko ang tagumpay mo sa pagpapalaki at pagkalinga sa iyong mga anak, pati ang iyong pakikisama sa iyong buong pamilya.

    Humahanga ako sa iyo hindi lamang bilang isang Guro kundi maging isa ring “tunay na Mapagmahal na Ina”, na walang hangad kundi ang mabuting kalagayan ng kanyang mga anak.

    Salamat sa iyo pati sa mga katulad mo… Lubos ang aking paghanga.

    • salamat cup,

      ang iyong mga tinuran ay aking isasapuso….
      tama ka… Siya lamang ang tanging takbuhan…

      “Cast your burdens upon me…
      all of you who are heavily laden…
      Come to me all of you who are tired of carrying heavy loads….
      ….Come to me….and I will give you rest…”

      He does… wonderfully…!

      ang karanasang ito ay may hatid na malaking aral, sa akin at sa iba pang nakaka relate dito….

      may hatid ding pag asa… dahil sa kabila ng lahat… heto ako… humaharap sa hamon ng buhay…

      Nasasaktan ngunit lumalaban, nadadapa ngunit tumatayo….

      minsang umiiyak, tanggap ang lahat… nalulungkot pero hindi nagagalit…

      “LET GOD’S WILL BE DONE”

  3. isang yakap sa katulad mo.. saludo ako sayo…
    kasi para kang si nanay..
    para naman ako yung anak mo..

    Kung alam mo namang ginawa mo ang lahat..
    May pagkukulang ka man o wala
    The fact na nagpapatuloy ka sa hamon ng buhay..
    At itaguyod ang mga anak mo..
    Marami ang hahanga sa iyo..

    Hindi man tayo magkapareho ng sitwasyon
    Ganyan din ang sumasagi sa isip ko minsan..

    Darating ang araw iiwanan tayo ng mga inaalagaan natin.. paano na ako?
    Pero at least ikaw may mga anghel na nagbibigay kulay sa buhay…
    At iyon ang gawin mong inspirasyon sa ngayon..
    i enjoy mo muna ngayon saka ka na mabahala pag dating ng panahon.. matagal pa yun😉

    • yakap therapy, it’s effective, kaya sa iyong pag-uwi, hmm, ma-akap mo sana ang iyong mga anghel.

      • sang ayon ako maestro….effective yan… sobra :)…. ayan may smiley na ha?..

        wag mabahala…ang paruparo ay kasing rikit ng bulaklak (tulad ng iyong banggit), ngunit ito ay matatag, pagkatapos ng unos, ito’y muling lumilipad….

    • salamat lambing…

      ang aking mga anghel ay tunay na inspirasyon

      sila ang aking lakas, sa mga pagkakataong akoy wala nito,

      salamat sa pagbisita…

      patuloy ang hamon, araw araw

      ngunit tulad ng araw na walang sawang sumisikat….

      ang bawat mulat ng mata ay may hatid na bagong pag-asa…

      lingon lingon, baka ang lahat ng kasagutan ay nasa paligid lang

      kung hindi makita, maaring hindi pa panahon….

      “God’s perfect will happens in His perfect time.”

      Hindi lahat ng panulat ko ay malungkot… maari ngang ito lamang…

      marami akong kathang makakapagpangiti din naman…

      Sana ikaw ay makapasyal pa rin sa hardin ng abang paruparo na nagbabantay sa matamis na pinalamig na pulot….

  4. theworshipwarriorbride

    haaayyy…nung nakaraan lang bigla akong umusal ng panalangin na “Lord ‘wag Niyo po akong bigyan ng pagkakataong sumagot at makapanumbat kung walang magandang idudulot sa lahat.”

    God is still in control ate.

    • Minsan, hindi tayo hinahayaan ni Bro na humusga… dahil hindi nararapat…kahit anong pait, kahit anong sakit… naririyan pa rin ang pahiwatig na bawa’t isa sa atin ay may kakayahang magtagumpay sa hamon ng buhay…

      Paalala:

      Huwag na huwag magbitaw ng anumang salita kung nagpupuyos ang damdamin….
      mas madalas, pinagsisisihan natin ito dahil kapag tayo ay galit, ang utak ay naghuhuramentado rin…parang machine gun lang, rapid fire…

just speak your mind

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: